Cebu Normal University
Osmena Boulevard, Cebu City
College of Teacher Education
Departamento ng Filipino




“UTOS NG HARI” NI JUN CRUZ REYES
PAGSURI GAMIT ANG TEORYANG SIMBOLISMO;
ISANG TEKSTWAL ANALISIS


Isang Sulating Pananaliksik
Na iniharap
Kay Gng. Natividad Dela Torre
Ng Cebu Normal University

Bilang Bahagi ng Pagtupad
Sa Pangangailangan ng Kursong
Panunuring Panliteratura

Iprinisinta nina:
Anajada , Yvonne Joy P.
Petiluna, Shin Phobefin D.
Talatayud, Joyce C.

( BSED- FILIPINO II )
MARSO 2017







“Utos ng Hari” ni Jun Cruz Reyes
Pagsuri gamit ang Teoryang Simbolismo ; 
Isang Tekstwal Analisis


Introduksyon

Sa panitikan, masasalamin ang buhay, damdamin, lunggati at kaisipang Pilipino sa panahon ng pagkakasulat nito. Nagiging gintong susi ang pagbabasa nito sa daigdig ng kaalaman at kasiyahan. Nagkakaroon ng malaking tulong ang panitikan sa paghulma ng lipunan dahil tintulungan nito ang mga mamamayan sa mundo na bumuo ng opinyon at kwestiyonin ang kasalukuyang sistema ng lipunang kinabibilangan. Winika ni Hen.Azarcas mula sa kanyang aklat na “Pilosopiya at Literatura” na “Ang panitikan ay nagpapahayag ng mga damdamin ng tao hinggil sa mga bagay sa daigdig, sa pamumuhay, sa lipunan at pamahalaan at sa kaugnayan ng kaluluwa sa Bathalang lumikha. Ang paraan ng pagpapahayag ay iniayos sa iba‟t iba niyang karanasan at lagay sa kalooban at kaluluwa, na nakabalot ng pag-ibig o pagkapoot, ligaya o lungkot, pag-asa o pangamba”, (Jose V. Panganiban, et al Panitikan ng Pilipinas, p.11).

Ang pag-aaral ng panitikan ay hindi lamang may layuning makagising ng damdamin ng mga mambabasa batay sa kanilang paniniwala at pananaw sa buhay. Nagiging isang magandang kasangkapan din ito upang masalamin ang kultura at pamumuhay ng pangkasalukuyang lipunan upang mas maitindihan ito ng mga susunod na henerasyon. Mapapansin na ganoon na lamang ang pagsusuri sa mga akdang likha ng mga manunulat sa Filipino na nagpapakita ng kahusayan sa kanilang panitik upang maipamalas ang mga bagay-bagay na pampilipino na halaw sa katotohanan ng buhay tulad ng kanilang mga katutubong ugali, paniniwala, prinsipyo at iba pa. . Ayon pa kay Hossaine(2009), “Ang buhay at panitikan ay magkaugnay sa isa‟t isa. Salamin ng buhay ang panitikan, subalit ang buhay ang lumikha o batayan ng salamin. Magkatuwang ang buhay at panitikan pagkat nauukol sa buhay ang isinaisantitik sa anumang akdang pampanitikan”

Binibigyang-tuon ng pag-aaral na ito na masuri ang kaugnayan ng akdang “Utos ng Hari” sa namamayaning katotohanan sa mga pangyayari sa buhay ng tao at lipunan. Layunin ng pag-aaral na masagot ang sumusunod: (1) mailarawan ang sinisimbolo ng mga tauhan, bagay at mga sitwasyon sa kuwento, (2) mapalutang ang mga isyu at sitwasyon sa akda na may kaugnayan sa umiiral na mga isyung panlipunan sa realidad at (3) maipakita ang nangingibabaw na pagpapahalagang pangatauhan at pangkalayaan sa kuwento.

Para kay Aristotle, et al., ang maikling kwento ay higit na mataas at pilosopikal kaysa sa nobela. Ayon naman ni Gray (2008) , ang pagbabasa ng isang maikling kwento ay isang gawaing may layon na maaaring mapagpabago sa katauhan ninuman, magdagdag ng kanyang mga karanasan, magpasigla ng kanilang isipan at pandamang kaunlaran, magpabago sa kanyang pag-uugali at sa pamamagitan ng mga ito ay makakalikha ng isang mahusay at matatag na katauhan . Ang pagbabasa nito ay isang masalimuot na gawaing may mga aspektong mahalaga tulad ng pagkilala sa mgasagisag o simbolo at pag-unawa.

Sa K to 12 bilang bagong Kurikulum ng edukasyon sa bansa, binibigyang pagpapahalaga ang mga akdang pampanitikan kagaya ng maikling kuwento na layuning magdulot ng aliw at gintong aral sa pamamagitan ng isang makabuluhang paglalahad ng mga pangyayari sa buhay ng pangunahing tauhan na nag-iiwan ng kakintalan sa isip ng mga mambabasa.



Metodolohiya

Ginamit sa pag-aaral na ito ang tekstwal deskriptive analisis habang ang teoryang ginamit sa pagsuri sa akda ay ang teoryang simbolsmo na siyang magpapalutang sa nakatagong mensahe ng akdang “Utos ng Hari” ni Jun Cruz Reyes na may kaugnayan mga pangyayari sa totoong buhay. Piniling suriin sa pag-aaral na ito ang akda ni Jun Cruz Reyes dahil sa kanyang katanyagan sa pagsulat ng mga akdang pampanitikan kagaya ng kuwentong “Utos ng Hari” na nanalo sa National Book Awards for fiction mula sa Manila Critics Circle noong 1981 at Don Carlos Palanca Memorial Awards for Literature bilang ikatlong parangal. Susuriin ang akda batay sa mga nakatalang layunin ng pag-aaral na ito. Bibigyan ng pagpapaliwanag at pagpapalawak ang bawat parteng sinuri sa akda.



Paglalahad at Pagpapakahulugan

Bilang estudyante, minsan, kung kagustuhan ng guro na ikaw ay palubugin sa sistema na kung saan ang guro lamang ang tanging may kontrol sa proseso ng pagkatuto, wala ka nang iba pang magagawa kundi makisabay sa agos at hayaang lunurin nang tuluyan ang sarili kahit na hindi man magustuhan ang nangyayari at ang kahihinatnan. Iyan ay isang magandang paglalarawan sa kalagayan ni Jojo sa kuwentong “Utos ng Hari”. Kung ang pagsuri sa akdang ito ay pahapyaw at literal lang, maaaring isipin ng mga mambabasa na limitado lang sa buhay-estudyante ang kuwento. Ang mga sitwasyon sa akda ay totoong maihahalintulad sa katotohanan ng buhay-estudyane. Subalit makikita na maraming “exaggerations” o pagmamalabis sa negatibong paglarawan ng mga guro - gaya ng pagsusuot ng mala-gown na damit ng mga guro kapag Miyerkules na sinasabayan ng makikinang na brilyante, pagpapapasa ng mga guro sa estudyante dahil panay ang good morning nito at dahil may amang doktor na pogi ang isang bata, pagpaparatang ng mga guro sa isang estudyante na nababaliw at iba pa.

Dahil dito, hindi maiiwasan na maisip ng mga mambabasa na malayong maging makatotohanan ang ilang sitwasyon sa akda. May mga bagay man sa akda na maiuugnay sa totoong buhay, maaari pa ring isipin ng mga mambabasa na karamihan sa sitwasyong inilarawan sa kuwento ay nakakahon lang sa kalagayang pampaaralan at ang karamihan dito ay gawa-gawa lamang. Ngunit kung ating sasaliksikin at susuriing mabuti ang buhay ng may-akda, ang kanyang layunin upang isulat ito at ang iba pa niyang akdang naisulat, tiyak na mapagtatanto nating malalim pala ang pinanghuhugutan o ang inspirasyon niya sa kanyang pagsulat.

Ang kuwentong Utos ng Hari ay may pagkakatulad sa kanyang nobelang Tutubi Tutubi, Huwag Kang Magpapahuli Sa Mamang Salbahi. Ang mga tauhan sa dalawang akda ay magkatulad lang. Subalit sa “Utos ng Hari“, hindi masyadong lantad ang tumpok na mensahe ng may-akda habang sa nobelang “Tutubi Tutubi, Huwag Kang Magpapahuli Sa Mamang Salbahi”, lantad na lantad ang mensahe ukol sa lumalaganap na Batas Militar sa ilalim ng panunungkulan ng dating Pangulong Marcos. Ang subject position naman ni Reyes sa akdang “Utos ng Hari” ay nakabatay rin sa kanyang pananaw bilang isang guro. Nakapokus rin ang pagdedetalye sa paaralan na kung saan ay puno siya sa karanasan.

“Sabi ng pangkat ng hari.” Ang hari sa akda ay sumisimbolo kay dating Pangulong Marcos, isang taong may otoridad na hindi mababali. Ang hari sa kuwento ay literal na tumutukoy sa mga guro ni Jojo . Ang tungkulin ng mga guro ay ang maturuan ng tama at disiplinahin ang mga mag-aaral sa klase. Ngunit lubos ang kahigpitan ng mga guro dulot ng kanilang sistema. Pagagalitan o parurusahan ang estudyanteng magpapalabas ng mga salitang hindi nila maibigan. Iniisip nila na sila lang ang palaging tama. Marahil dahil mas nakatatanda sila at mas mataas ang kanilang pinag-aralan. Hindi ito maihihiwalay sa katangian ni Marcos na mataas ang pinag-aralan at siyang pinakamatalino sa lahat ng naging Presidente ng Pilipinas. Tunay ngang umunlad ang Pilipinas sa simula ng kanyang termino. Subalit sa kalagitnaan ng kanyang panunungkulan, nakitaan ng dahas at kawalan ng hustisya ang paggamit niya ng puwersang Militar. Gamit ang Militar, pinarurusahan ang magbibitiw ng negatibong reaksyon laban sa pamahalaan. Kapag ang mga nakikita nilang kilos ay labag sa kagustuhan ng gobyerno, nagiging mali ito sa kanilang mga mata. Sa madaling sabi, sa kanilang pananaw, ang gobyerno lang ang laging tama.

“Sino nga ba naman si Jojo sa kanila na isang kung sino lang”, Si Jojo sa linyang ito ay sumisimbolo sa mga Pilipinong walang kalaban-laban sa rehimeng Marcos. Maaari rin na ang pangalang Jojo ay kinuha niya mula sa kanyang pangalan na Jun Cruz Reyes na laking Tondo.

“Ang masama ay ang akusasyon nila kay Minyong. Nababaliw daw." Si Minyong ay sumisimbolo sa ang mga Pilipinong naparusahan sa panahon ng Batas Militar. Sa kuwentong “Utos ng Hari“ , si Minyong ay isang estudyante na hindi nagustuhan ng mga guro at pinaratangan nababaliw ng mga ito kung kaya ay binagsak sa klase. Ngunit sa nobelang “Tutubi Tutubi, Huwag Kang Magpapahuli Sa Mamang Salbahi", malinaw na inilarawan si Minyong bilang isang aktibista na kumakalaban sa diktaduryang Marcos kung kaya‟y tinutuligsa siya ng pamahalaan. Ang pagkontra ng mga guro kay Minyong bilang estudyante ay walang kaibahan sa pagkontra sa rehimeng Marcos ng mga katulad niyang aktibista – ito'y dahil ang ugaling kanyang ipinakita ay taliwas sa gusto ng otoridad o ng mga mas nakatataas. Malinaw na malinaw na ang ibig-ipakahulugan ng may-akda kay Minyong sa kuwentong “Utos ng Hari” ay ang pagiging representasyon niya sa mga Pilipinong naparusahan sa panahon ng Batas Militar dahil sa pagkalaban sa gobyerno.

“Paminsan-minsan nama'y "humane‟ sila 'ika nga. Tulad halimbawa sa kaso nina Osias at Armando , mga kaiskwela rin namin”. Sila ay sumisimbolo sa mga tao o pulitiko na nakikisama sa pamamalakad ng rehimeng Marcos o ang mga nakikinabang sa kapangyarihan. Kung bakit naman kasi nauso pa sa mundo ang diploma.

"Kung wala akong diploma, sino naman ang maniniwalang may kinabukasan nga ako". Ang diploma ay sumsimbolo sa karunungan. Si Marcos ay ang pinakamatalinong pangulo sa Pilipinas at sa panahon din ng kanyang panunungkulan ay tumaas ang kalidad ng edukasyon. Isang masaklap na katotohanan na kapag hindi ka nakapagtapos ng pag-aaral, minsan, mababa ang tingin sayo ng ibang tao at iisiping wala kang pinag-aralan.

"Saka, 'pag sinabi ko naman ang gusto kong sabihin kakapain na 'yung pulang ballpen." Sumisimbolo ito sa puwersang Militar na siyang ginamit na sandata ni Marcos bilang panakot laban sa mga kokontra sa kagustuhan ng gobyerno; at kung ating matatandaan, nanungkulan si Marcos noon sa Militar bago siya naupo bilang Pangulo ng Pilipinas kung kaya't hindi kataka-taka kung bakit naging matibay ang paghawak niya sa Militar sa kanyang panunungkulan.

“Talagang sawa na'kong nakatali sa sintas ng sapatos ng teacher ko na kasama nila sa bawat hakbang. Ipaling kung saang sulok gustong dalhin, ikaliwa kahit kanan ang gustong puntahan, ilakad - kaladkarin kahit gustong mamahinga. At isipa kahit ako ang masaktan.” Ang sapatos ay sumisimbolo sa batas samantalang ang sintas naman ay sumisimbolo sa mga Pilipinong sunod-sunuran lang sa batas o sa pamamalakad ng diktaduryang Marcos. Dahil nga sa mahigpit na sistema ng kanyang panunungkulan, maihahalintulad ang ilang Pilipino bilang mga presong ikinulong sa selda na di na makagalaw ng maayos sa liit ng espasyo. Nais makalaya sa pagkakatali at pagkakakulong. Di kalaunan, ang iba'y nagiging pasibo na lamang sa mga pangyayari at sasabihin na lang na, “May magagawa pa ba ako?”

“Ayokong maging Minyong. Kailangan magsalita na ako baka ako mabaliw. Ayaw kong maging robot, ayaw kong maging bato. Hindi baleng drop-out, basta tao lang ako”. Ang robot ay sumisimbolo sa mga Pilipinong walang kalayaan dahil kontrolado ng gobyerno habang ang bato naman ay sumisimbolo sa mga Pilipinong nananatiling nasa lupa, inaapakan at walang karapatang magsalita ng masama laban sa rehimeng Marcos na sa katagala’y naging matigas at manhid na. Kung ating babalikan ang panahong ito, sa simula at kalagitnaan ng termino ni Marcos, halos tikom ang bibig ng karamihan sa mga Pilipinong may takot sa pagpapahayag laban sa gobyerno. Ngunit dahil sa katagalan ng kalayaang inaasam at lumalala ang kawalan ng hustisya, tumigas o tumibay ang kanilang mga loob at paunti-unting nagsilabasan upang mag-aklas hanggang sa naganap ang People Power Revolution na siyang nagpababa kay Marcos sa puwesto.

“At para mapansin, kailangan humahalimuyak din sila sa bango. Yun bang parang painting. At saka tatambakan ng brilyante ang taenga, leeg, dibdib, braso at mga daliri. Sa kanilang ganda at ningning, para kang nakakakita ng X‟mas tree sa isang mahal na araw.” Ang mga katangiang ito ay sumisimbolo kay Imelda Marcos.

“Maliit ang comfort room kung doon ko isusulat ang aking mga sumbong." Ang comfort room ay sumisimbolo sa mga Pilipinong aktibista na nakikiisa sa

“Marami na noong nauna. What you're holding now is the future of the Fatherland. If you can reach this high, you shall be great. Ibagsak ang pasismo. LABAN. Putang 'na n'yo. Alpha Phi Omega. Wanted pen pal." Ito ay sumisimbolo sa mensahe o mga hinaing hinggil sa nangyayaring katiwalian, kawalan ng hustisya at pagka-uhaw sa kalayaan ng mga Pilipino sa panahon ng panunungkulang Marcos.

“Magrereklamo rin ako sa pader kung kailangan, hanggang may makabasa at makarinig ng aking mga sumbong”. Ang pader ay sumisimbolo sa mga akdang naisulat ni Jun Cruz Reyes. Ang sinumang mapapadaan at lilingon sa isang pader na may mga nakasulat, siya lang ang tanging makakabasa at makakaalam kung ano ang nakasulat sa nasabing pader. Gayundin ang mga akdang panrebolusyon sa panahon ng Batas Militar. Sa panahong ito, kontrolado ni Marcos ang mga halos lahat ng kaparaanan ng paghahatid ng komunikasyon gaya ng telebisyon, radio, diyaryo at maging ang mga palimbagan. Ipinagbabawal sa panahong ito ang mga akda o sulating gawa ng mga aktibista kung kaya't limitado lamang ang kopya ng mga ito. Isa na rito ang mga akda ni Jun Cruz Reyes . Ang sinumang makakatanggap at makakabasa ng kanyang mga isinulat, siya lang ang makakaalam sa mga saloobing nais niyang ipabatid ni Reyes sa kanyang mga akda.



Kongklusiyon at Rekomendasyon

Ang kuwentong “Utos ng Hari” ay sumasalamin sa buhay-estudyante at kalagayang pangkalayaan. Naipakita ang totoong larawan ng buhay na kung saan ay minsan, hindi nagagawang iparating ng isang tao ang kanyang nararamdaman sa kadahilanang may takot na namamayani na siyang humahadlang sa malayang paggalaw ng isang indibidwal. Ipinapakita sa akda na ang kalagayan ng isang tao ay parang naiipit sa isang hostage crisis. Buhay ka nga at nakakagalaw, ngunit ang paa't kamay naman ay nakatali at nakatakip ang bibig lagi . Nais makawala sa bitag. 'Pag lumaban ka, patay ka. 'Pag di ka kumontra, walang problema. Namamayani rin sa akda ang mga isyu katulad ng kakulangan ng kalayaan sa pagpapahayag, edukasyon, kalagayang sosyal at moral, butas sa batas at ang Batas Militar. Ang kuwentong ito ay magandang gamitin sa paglinang ng lohikal na pag-iisip ng mga ma-aaral upang pagtatagpi-tagpiin ang kaugnayan ng kuwento sa kasaysayan ng Batas Militar sa rehimeng Marcos. Maiuugnay din nila ito sa ibang asignatura kagaya ng Araling Panlipunan at Edukasyon sa Pagpapahalaga. Maging ang kanilang kasanaysan sa pagbibigay ng reaksyon at ang kakayahang mapapangangatwiranan ang mga bagay sa akda ay malilinang. Dahil dito, inirerekomenda na gamitin ang "Utos ng Hari” sa mga talakayan gamit ang teoryang simbolismo sa panunuring pampanitikan.

Comments

  1. Ang ganda po lalo ko pang naintindihan ang gusto ipahiwatig ng kwento

    ReplyDelete
  2. Betway casino - Mapyro
    Find the 화성 출장샵 best available Betway casino maps and download 부천 출장마사지 map of 파주 출장마사지 the casino using the following maps: 계룡 출장마사지 East Main Street, Flamingo Road, License Agreement: AgreementMon, Dec 13Risk-free sports bets: 50% match up to $1,000 계룡 출장안마

    ReplyDelete

Post a Comment